Masarap maging Pinoy. Maabilidad, matalino, masigasig, matiyaga at masipag. Pero sa kabila nito. May mga bagay na dapat siguro na isantabi na natin. Mga bagay na humahadlang sa atin para marating talaga ang tunay na ibig sabihin ng Galing ng Pilipino.
Sadya kong isinulat ang post na ito sa salitang tanging Pinoy lang ang makakaintindi. Para lubos nating maunawaan ang ating mga kakulangan. Kumbaga "Usapang Pamilya lang." Ang layunin ko ay para harapin ang katotohanan na meron talaga tayong problema sa ating kinagisnan at marahil sa ating kultura na dapat na natin iwanan o di kaya kalimutan na lang. Katulad ng mga sumusunod.
Pakikisama. Sa papaanong paraan nga ba ang tamang pakikisama? Pakikisama para saan? Sama sama sa pag unlad? Sama sama din ba tayong maghihirap? Ang Pinoy likas na matulungin. Pero minsan sa ang pagtulong natin sa kapwa, may hinahanap na kapalit. Kahit sa maling paraan. Halimbawa may humingi ng pabor sa isang tao, madalas may inaasahan tayong kapalit sa pagtulong na kahit sa maling paraan o panahon ay hihingin natin ito sa taong tinulungan dahil sa konsepto ng "Utang na loob" na kapag tumanggi ka na tumulong, sasabihin sa'yo wala kang pakisama. Kahit na ang hinihingi sayong pabor kapalit ng tulong ay ang paggawa ng maling bagay. Madalas ito sa pulitika. Kaya nga marami tayong nahahalal na pinuno kahit hindi naman sapat ang abilidad para mamuno. Kasi nahalal lang dahil sa pakikisama.
Malapit sa Pamilya. Hindi ko naman sinasabing masama ito. Pero may ilang mga bagay na naglalagay sa atin sa kapahamakan dahil na rin sa Pamilya. Mga taong ikinukubli o di kaya'y kinukunsinti ang maling gawain ng kapamilya kasi pamilya nga eh. Dapat ipagtanggol. Pero ipagtanggol sa maling paraan. Kaya nga sa Pilipinas maraming political dynasty. Kasi kinunsinti din natin na magkaroon ng mga ganito. Hinayaan natin na may maluklok sa posisyon kahit hindi naman para sa bayan ang interes.
Talangka. Hindi ko alam kung bakit sa atin pa napunta ang ganitong kaisipan. Maiuugnay din natin ito sa pakikisama. Sa isang banda naisip ko kaya siguro natin hinahatak ang isang taong umaangat kasi gusto natin pantay pantay tayo. Walang lamangan. Kung saan yung isa, doon dapat lahat. Inggit. Maling pakikisama.
Regionalism. Hindi ko alam kung ano ang tamang salita sa Tagalog dito. Pero naitatanong ko rin to palagi sa isip ko. Bakit sa Pinas magawi ka lang sa norte iba na ang salita. Bakit ang tao kapag tinawag na bisaya (aminin natin ang realidad) baduy o di kaya katulong. Si Inday o si Dodong. Siguro dala na rin ng pagkakalayo layo ng mga isla sa Pinas kung bakit hindi tayo magkasundu-sundo. Kung bakit iba iba tayo ng paniniwala. Dito rin lumalabas ang pagiging racist natin. Ang Pinoy kapag nakakarinig ng biro galing sa ibang bansa umaangal agad. Pero bakit tayo may mga tawag din tayo sa ibang lahi. Halimbawa na lang sa mga Indians ang tawag natin bumbay na nagpa 5-6 at nagbebenta ng payong at kumot.
"Bakit kapag nagsalita ka ng ingles sasabihin sayo sosyal o trying hard o di kaya call center agent?" Samantalang natural naman sa Pinoy ang magsalita ng English. Tayo nga lang yata ang may ganitong salita sa asya. Dito tayo angat kaya hindi dapat iniisip ang mali sa pagsasalita ng ingles.
Sa bandang huli Pilipino pa rin tayo. Palagi nating sinasabi "Proud to be Pinoy". Ayaw nating na mababa ang tingin sa atin ng ibang tao. Pero naitanong ba natin sa mga sarili natin kung nararapat ba talaga tayong ipagmalaki ang sarili natin? Masayang maging Pinoy pero masmainam kung maitatakwil na natin yung mga ganitong kaisipan na humahatak sa atin pababa. Parang talangka...